Thursday, April 5, 2012

Mang Belbok (Ayon sa Kuya Andoy)

Some Are Smarter Than Others Series


     1987 nung kami'y mangupahan sa mga kuya Andoy at agad kaming naging malapit sa isa't isa dahil partner kami sa pag-aalaga ng aking mga manok. Magkasama kami sa pagpapatuka ng manok sa umaga at magkasama pa rin kapag kami'y nagsasabong tuwing walang pasok.
     At minsan isang umaga, habang ako'y nangangain ng suman ay nagpasya akong pumunta sa manukan. Nakita ko ang kuya Andoy at kaagad ko siyang binati. Tumungo naman sa akin ang kuya Andoy. Nguni't pagbalik ko at pagdaan sa tapat ng kanyang bintana ay hindi na niya ako pinansin. Pamula noon ay hindi na rin niya ako kinakausap ng gasino. At kung kinakailangan niya naman akong kausapin ay Mang Belbok ang tawag niya sa akin. "Mang Belbok wala ng patuka," o di kaya nama'y "Mang Belbok painumin mo na ang manok." Sa totoo lang ay medyo sumama ang loob ko sa pagbabagong ito ng kuya Andoy. Palaisipan sa akin ang bigla niyang pananamlay sa pakikitungo sa akin.
     Makalipas ang dalawang linggong ganitong sitwasyon, umaga iyon, ay nangain ako ng mais na nilabon sa tapat ng bintana ng kuya Andoy habang sinisilip ko ang manok sa flying fence. Makalipas ng limang minuto, habang inuubos ko na lang ang huling hilera ng mais ay bigla na lamang nagparinig at nagbitaw ng salita ang kuya Andoy. Mga katagang hinding hindi ko na siguro malilimutan hangga't ako'y nabubuhay. Mga katagang para sa aki'y mas mahalaga pa kung hindi man kahilera na ng "I shall return" ni Douglas MacArthur,"There is nothing to fear but fear itself" ni Franklin Delano Roosevelt at "I came, I saw, I conquered" ni Julius Caesar. At ito nga ang binitawhang salita ng aking kuya Andoy: "Tama ba yun Andoy? Ha? Putang ina eh! Hindi man lang ako inalok eh! Tama ba yun?" Right there and then ay biglang nagliwanag ang aking isipan at naisip ko na yun palang hindi ko pag-aalok ng suman nung kabilang linggo at mais kanina ay isang napakalaking pagkakamali. Ang kawalan pala ng basic courtesy o yung hindi pag-aalok ng kinakain mo sa iyong kaharap ay isang "Mortal Sin" pala para sa kuya Andoy.
     Kaya napagdesisyunan ko na bukas na bukas din ay kukuhanin ko ang anumang kakanin na dadalhin ng aking Mama buhat sa palengke. At kinaumagahan nga pagkagising ko'y kaagad akong bumaba para tingnan kung ano ang pasalubong at nakita ko ang tamales na nakapatong sa lamesa. Nguni't hindi ko ito makuha dahil nakabantay ang aking Ina sa pinamili. Panay ang sulyap niya sa mga ito na animo baga'y guwardiya sa Alcatraz at ang tamales ay si Al Capone. Gayundin naman ay naghihimay ng kadios ang aming feeling sexy na katulong na saksakan naman ng sama ang mukha (see Alexis' album for proof). Mahigpit ang pagmamatyag niya sa pinamili na anaki baga'y miyembro ng Elite K9 unit ng Bureau of Customs and Quarantine at ang tamales ay nasabat na kontrabando.
     Panay ang halakhakan nila habang nag-iistoryahan kaya ng malingat sila'y kaagad ko'ng dinampot ang tamales, tinago sa loob ng aking damit at sirit na akong papunta sa kubo ng kuya Andoy sa likod. Pagkapasok ko'y kaagad kong tinalupan ang tamales, pinaghiwalay, inalagay sa tig-isang platito, binudburan saka nilagyan ng matamis at tinawag ko na ang kuya Andoy. Kako'y kuya Andoy kita ng kumain, "ano yan" kako'y tamales. Lumabas ang kuya Andoy sa kanyang kuwarto nguni't ulo lamang niya ang nakalabas, "masarap iyan!" sigaw ng kuya Andoy. At ng maubos na namin ang tamales ay nag wika ang aking kuya Andoy, "Roy pakuha nga ng tubig at baso sa ilalim ng lamesita." At habang kinukuha ko ang baso't tubig ay lihim akong napangiti dahil tinawag na niya akong muli sa aking tunay na pangalan. At pamula ng umagang iyon ay naglaho na lang parang bula si "Mang Belbok." 

Tuloy ng Tuloy (Kuya Andoy)

Some Are Smarter Than Others Series

Malimit kaming magbutaw ng manok ng anak ng kuya Andoy na si Rey. At kapag siya'y lasing ay halos tatlo hanggang apat na beses naming ibutaw ang bawat manok. Ngunit lingid sa aming kaalaman ay parati palang nakamatyag ang kuya Andoy at siya'y nagagalit sa ginagawa naming ito. At tuwi kaming dadaan sa tapat ng bahay niya ay panay ang kanyang parinig,"Tuloy ng tuloy ang pagwawalangya." Kung minsan naman ay nagkaka-alpasan ang mga manok ni Rey at ang kuya Andoy ang nag-aawat. "Napaka tampalasan talaga niyang si Rey," wika ng kuya Andoy. Kako'y kuya Andoy bakit? "Aba'y nasasaktan ang mga manok eh dahil sa kapabayaan!"

Tuloy ng tuloy ang pagwawalangya din naman ang naririnig namin magkakapatid sa tuwing binabato namin ang mga manok,pusa at aso na aming maisipang batuhin. Nguni't sa totoo lang ay natatawa ako sa kuya Andoy tuwing siya'y nagagalit kapag sinasaktan namin ang mga hayop dahil kapag hapon at magkasama kami sa sabungan at nananalo ang pinustahan naming manok ay ito ang kanyang bukang bibig: "Um sige pa paluin mo pa! Nakow tusok sa ulo hahaha. Patay na iyan!" o di kaya'y "Nakupo kabit ang tari sa likod,paltak na paltak. Patay na iyan! Hahaha,okay class,finish or not finish please pass your papers." At sa mga pagkakataon na mabilis lang ang labanan dahil puso ang tama ng kalaba'y "Nakow kalinisan ang tama,Sentensiya na hahaha. And Dandala Musika!"

Aanhin pa Ang Damo

Some are Smarter Than Others Series

Sa tunay na buhay lamang ay masuwerte na kung natagal ng isang Linggo ang pensiyon ng kuya Andoy dahil araw araw siya kung magsabong. At kapag naubos na ito'y tatlo hanggang apat na beses siya kung pumunta kada Linggo sa Clinic upang kumuha ng pangsabong. Sa totoo lang ay ako'y naguguluhan sa bagay na ito dahil pakiramdam ko'y walang anak ang magbibigay ng pera sa magulang kung ito'y alam nila na ipinapatalo lamang sa sugal.
Minsan isang araw noong 1999 ay hindi na ako nakatiis at tinanong ko ang kuya Andoy sa bagay na ito.

Me : Kuya Andoy Kuya Andoy bakit ga tuwi tayong pumupupunta sa Clinic ng Ate Nini ay lagi ka na lang binibigyan ng anak mo o di kaya ng nurse ng kung minsa'y tatlong daan o di kaya'y apat na daan? Eh palagi ka namang talo sa sabong?


Kuya Andoy : Roy sinabihan ko na iyang si Dalisay na habang ako'y buhay pa ay ibigay na nila ng ibigay sa akin ang pera at huwag iyong ako'y titipirin tapos pag ako nama'y namatay ay bibilhan ako ng mahal na kabaong at mga mamahaling bulaklak sabay iiyak ng "Tatay bakit niyo kami iniwan huhuhu." Sabi ko sa mga anak ko'y ngayon pa lang ay ibigay niyo na sa akin ang pera at pag ako'y namatay ay ibalot niyo ako sa banig at itapon niyo ako sa ilog.


Me : Eh kuya Andoy,miski naman siguro sinong anak ay maoobligang magbigay kapag ganyan ang bukambibig hehehe.


Kuya Andoy : Ala'y aanhin pa ga ang damo kapag patay na ang kabayo!


Kuya Andoy and me : Hahahaha.

Noon at Ngayon Ayon Sa Kuya Andoy

Some Are Smarter Than Others Series

Noon:


Mamay Kiko: O Alejandro, saan ka pupunta?
Kuya Andoy: Doon po.
Mamay Kiko: Saan doon!
Kuya Andoy: Doon po sa kanto maglalaro lang po.
Mamay Kiko: Ay siya'y sige. Babalik kaagad bago mag Orasyon at magdadasal tayo.
Kuya Andoy: Opo.

Ngayon:


Daddy: Anak saan ka pupunta?
Anak: Doon ho.
Daddy: Saan doon!
Anak: Ala'y sinabi ng doon, Tanong na ng tanong! Makalayas na nga sa buwisit na bahay na ito!

Noon:


Pedro: Magandang gabi po Mr. Katigbak, puwede po ba akong umakyat ng ligaw kay Maria?
Mr Katigbak: O siya sige iho, tuloy ka. Maria halika rito sa sala at may bisita ka.

At lumabas nga si Maria at naupo sila ni Pedro sa sofa na may isang dipa ang layo sa isa't isa. Nguni't may ilang minuto na silang magkaharap ay hindi pa rin makaimik si Pedro dahil may ilang dipa lang ang layo ni Mr Katigbak na nakaupo sa may veranda.


Pedro: Ahm Maria ang ganda ng inyong chandellier. Saan niyo binili iyan?
Maria: Ah binili yan ng lola ko nung nagpunta sila sa Europa bago pa man sumiklab ang ikalawang digmaan.
Pedro: Ahh. Eh yun bago niyong kalan? Ang ganda ganda. Galing din ga'ng Europa iyan?
Maria: Hindi. binili lng ng Lola ka iyan sa Avenida sa Maynila. Galing Estados Unidos daw iyan.
Pedro: Ahh. Eh Maria iyong kinain ba nating masarap na Putchero kahapon,ikaw ba nagluto nun?
Maria: Si Mama ang nagluto noon. Nagustuhan mo pala.

Mamaya maya pa'y nag ubo-ubuhan si Mr Katigbak. At panay ang tingin sa kanyang relos.

Pedro: Ahm Sir tutuloy na po ako. Marami po'ng salamat sa inyong pagtanggap.
Mr Katigbak: Siya sige Iho. Kasihan ka nawa ng Panginoon.

Ngayon:
Sonny: Tito Carding nariyan po ba si Tin-tin? Aayain ko ho sanang kumain sa labas at manood ng sine.
Carding: Nariyan Sonny, kaninang kanina ka pa nga hinihintay eh.
Sonny: Ah ganoon ho ba, eh tito Carding baka ho kami gabihin sa panonood kasi masyado ho'ng ma-traffic pa-bayan.
Carding: Walang problema Sonny Boy basta ikaw!
Sonny: Talaga ho tito! Salamat!
Carding: Walang anuman Sonny Boy! Ikaw pa, eh ang lakas mo sa akin.
Carding & Sonny: Apir!!!

Mag-siyota pa lang at Mag-asawa na Ayon sa Kuya Andoy

Some Are Smarter Than Others Series


Mag-siyota pa lang:

Mayroong mag-siyotang naglalakad sa kalye habang magka holding hands.
Lalake : Hon, dahan-dahan ka sa paglalakad ha, basa ang kalye, baka ka madulas.
Babae : Alam mo honey iyan ang gustong gusto ko sa iyo, napaka maaalalahanin mo.
Lalake : Eh hon, alam mo namang ang kaligtasan mo ang laging laman ng isipan ko!
Babae : Talaga honey? Ang sweet mo talaga! Muah!

Mag-asawa na:

Ang mag-siyota kanina ay mag-asawa na ngayon at naglalakad sila sa kalye na may tatlong dipa na ang layo ng lalake sa kanyang asawa.

Lalake : Hon bilisan mo naman. Baka naiinip na ang mga bata sa bahay. Hindi pa sila kumakain.
Babae : Sandali lang honey, basa ang kalye eh. Baka ako madulas.
Lalake : Madulas??! Madulas??! Ang sabihin mo ay sadya ka'ng makupad!

Mag-siyota pa lang:

Mayroong mag-siyotang kumakain sa isang Restaurant.

Lalake : Aba sweet, hindi pa nababawasan iyang pansit mo ah. At ang sandwich mo ay nangangalahati pa lang?
Babae : Eh sweetheart busog pa ako eh. Saka parang wala akong ganang kumain kahapon pa.
Lalake : Aba sweet, masama na iyan. Baka kung mapaano ka na niyan.
Babae : Alam mo sweetheart,iyan ang gustong gusto ko sa iyo. Napaka maaalalahanin mo.
Lalake : Eh sweet, alam mo namang ang kalusugan mo ang laging laman ng isipan ko.
Babae : Talaga sweetheart? Ang sweet sweet mo talaga! Muah!

Mag-asawa na:

Ang mag-siyota kanina ay mag-asawa na ngayon. At sila'y kumakain sa kanilang bahay.

Lalake : Aba sweet, nakaka tatlong sandwich ka na. At ang gabundok na pansit sa plato mo'y kapatagan na ngayon. Baka naman wala ng matira sa mga bata.
Babae : Eh sweetheart pasensya na. Nagutom kasi ako, sobrang daming nilabhang damit kanina.
Lalake : Naglaba??! Naglaba??! Ang sabihin mo ay sadya ka'ng matakaw!

Kuya Andoy 10,000 days


Some are Smarter than Others Series


Alam niyo ba na namatay na ang kuya Andoy noong 1978? At si Dr Mitra ng noo'y Magsino General Hospital ang nag declare na patay na nga ang kuya Andoy dahil sa sakit na malaria. At habang pinag dadasalan siya ng kanyang mga kapatid at pinsan habang hinihintay ang funeraria ay biglang nagtakbuhan ang mga nagdadasal dahil biglang nabuhay ang kuya Andoy.


Uhaw na uhaw daw ang kuya Andoy at kaagad siyang humingi ng isang basong tubig. Naging matagal at napakalayo daw ng kanyang naging paglalakakbay. At ng dumating siya sa isang malake at mataas na puting gate ay nakita niya ang isang matandang lalake na mahaba at maputi ang buhok pati na ang kanyang balbas. At ng lumapit daw siya ay tinanong daw ng matanda ang kanyang pangalan na kaagad naman niyang ibinigay. At sinabihan siya nito na hindi pa niya oras kaya kailangan pa niyang bumalik muli sa kanyang pinaggalingan.


Kaya kayong mga mahal ko'ng readers ay huwag kayong hahanga kay madam Ana Manalastas kung binigyan man siya ni San Pedro ng 100 days para maituwid ang kanyang mga pagkakamali dahil ang ating kuya Andoy ay binigyan din ni San Pedro ng 10,000 days to heaven upang maituwid din naman niya ang kanyang mga pagkakamali Hehehe...